Martes, Pebrero 4, 2014

Drilon, nanawagan sa mabilis na pagtutok sa kaso ng rice smuggling sa bansa

Press Release
05 February 2014
Refer To: Jeeno C. Arellano
(09272286617)



Nanawagan na rin si Senate President Franklin M. Drilon sa hudikatura na pabilisin ang paglilitis ng mga kasong may kinalaman sa rice smuggling.

Kahapon ay nanawagan si Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. sa Court of Appeals na bilisan ng ang pagdinig sa 157 kaso ng rice smuggling na isinampa ng pamahalaang Aquino mula pa noong 2010.

“Ang hindi agarang pagtugon at pagresolba sa mga kaso ng rice smuggling na isinasampa sa korte ay nagpapalakas lamang ng loob ng mga smugglers na magpatuloy sa ilegal nilang gawain. Kinakailangang mapabilis ang pagresolba sa mga kasong ito na magsisilbing babala at panakot sa mga taong magtatangkang labagin ang batas sa ilegal na pag-aangkat ng produkto,” sabi ni Drilon.

“Kailangan nating ipakita na umuusad ang gulong ng hustisya laban sa mga smugglers,” dagdag pa niya.

“Naaapektuhan ang ating ekonomidad sa pagpapatuloy ng ilegal na gawaing ito, subalit ang mga pinakaapektado ay ang mga mahihirap na magsasaka na maghapong nakabilad sa araw para lamang kumita at maseguro na mayroon tayong makakain,” patuloy ni Drilon.   

Binigyang diin ng pangulo ng senado na kailangang magtulungan ang tatlong sangay ng gobyerno upang tuluyang masugpo ang smuggling sa bansa.

“Kailangang ipakita ng gobyerno na buong pwersa itong kumikilos para sugpuin ang mga smugglers sa bansa, at may kaakibat na parusa ang mapapatunayang sangkot sa ilegal na gawaing ito,” pagbibigay diin ni Drilon.

Tiniyak rin ng senador na ang Kongreso ay hindi titigil sa kanilang pagtutok sa kaso ng smuggling sa bansa upang malaman ang kaakibat na polisiya at batas na kailangan nilang gawin upang matulungan ang pamahalaan na paigtingin ang laban sa smuggling at iba pang lumalabag sa batas. ###



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento