Martes, Nobyembre 19, 2013

P14.5-B supplemental budget ikinasa sa Senado

Press Release
20 November 2013
Refer to: Jeeno Arellano (0905.302.5098)
 
 
Pormal na nagsumite si Senate President Franklin Drilon ng panukalang batas na magbibigay ng awtorisasyon sa executive department na gumasta ng karagdagang P14.5 bilyon sa fiscal year 2013 para sa rehabilitasyon ng mga imprastruktura na winasak ng bagyong Yolanda, kabilang ang P4 na bilyon para sa mga gusaling pampaaralan.

Layon ng Senate Bill No. 1938 ni Drilon na kunin ang P14.5 bilyong supplementary budget mula sa hindi pa nagagastang Priority Development Assistance Fund (PDAF) allocation, na kamakailan ay idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon. \

Binigyang-diin  ni Drilon na matindi ang pangangailangang magpasa ng isang supplemental budget upang mapondohan ang hindi inaasahang gastusin na bunsod ng sunud-sunod na kalamidad na tumama sa bansa.

 “The damage caused by recent calamities requires intensified efforts for rehabilitation, repair and construction of severely damaged infrastructure, buildings and facilities in order to accelerate recovery,” wika ni Drilon. “Our people urgently need the augmented support of the government for rehabilitation.”

Dahil limang linggo na lang ang natitira sa sesyon ng kasalukuyang Kongreso, sinabi ni Drilon na kailangang madaliin ng Senado at ng Kamara de Representante ang pagpasa ng karagdagang badyet sa General Appropriations Act na mag-e-expire na sa Disyembre 31.

“Given the urgency of providing funds to the rehabilitation or reconstruction efforts, we in the Senate can already start consultations on the proposed supplemental budget, while waiting for the certification of the national treasurer as to the availability of funds and for the House to pass and transmit to the Senate its version of the measure,” ani Drilon.

Sa kanyang panukala, ang P2.75 bilyon ay mapupunta sa Department of Education at P1.25 bilyon ay para naman sa state universities and colleges para sa pagkumpuni at rehabilitasyon ng mga paaralan. May P3.5 bilyon naman ang sa Department of Public Works and Highways para sa pagkumpuni ng mga kalsada, tulay at iba pang pampamahalaang imprastruktura, at P1.5 bilyon para naman sa repair ng mga nadeklarang historical sites.

Para sa repair ng mga ospital ay P1 bilyon ang itatalaga at P500 milyon para sa pagbili ng mga kagamitang medical na ipapatupad ng Department of Health.  Ang National Housing Authority naman ay bibigyan ng P1.5 bilyon para sa relokasyon at pagtatayo ng mga pabahay sa mga sinalanta ng bagyo. Tig-P1 bilyon naman ang nais ni Drilon na maipamahagi sa Department of Transportation and Communications para sa rehabilitasyon ng mga paliparan at sa mga local government units.

 -END-


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento