with Joe Taruc and Milky Rigonan
March 11, 2014
Q: Ano po
ba ang mga napagtibay na mga panukala bago kayo magbreak sa Marso 15?
SPFMD: Yung pinaka-importanteng panukalang
batas na ating ipinasa, yung Freedom of Information (FOI) Bill. Alam mo, ilang
Kongreso na yan. Sabi nga ni Senator Grace Poe, apatnapu’t apat na senador at
kongresista na ang nag-file ng kanya-kanyang versions, makalipas ng ilang taon
na yan, ngunit kahapon po naipasa natin sa Senado. Ipinangako namin, ang
Freedom of Information Bill, at ang Bill na ito ay ating makikitang magiging
deterrent sa katiwalian sa gobyerno, dahil ibubukas natin sa publiko ang
impormasyon hinggil sa kung paano tumatakbo ang pamahalaan. Malaking bagay po
ito.
Alam mo Joe,
Milky, may tinatawag na sunshine principle, kung saan sinasabi nila, yung mga
mikrobyo ay namamatay pag nasisinagan ng araw. Dito, sa pamamagitan ng FOI
Bill, masisinagan ng araw at liwanag ang pagpapatakbo natin sa pamahalaan. Ang
mga dokumento of public interest ay pwedeng hilingin ng sino mang mamamayan,
kaya isang malaking laban po ito sa demokrasya at sa katiwalian.
Q: Ang
FOI napagtibay natin sa Senado Mr. Senate President, pero hindi siya kaakibat
ng right to reply pa?
SPFMD: Hindi po kasama yan kasi yan naman ay
tungkol sa press freedom, hindi po dito sa FOI. Ito pong Freedom of Information
Bill ay nagbibigay ng implementasyon doon sa karapatan ng taong bayan na alamin
kung ano ang nangyayari sa pamahalaan na nakalagay sa ating Saligang batas.
Q: Hindi
naman kaila sa ating kaalaman din napagtibay ito ng Senado, datapwa’t yung
Kamara de Representante ay hindi napagtitibay, kahit last minute hindi pa rin
napagtitibay. Ngayon, napakabagal at nakikita natin, ni wala pa sa first base
itong panukala sa Kamara. Ano po ang mangyayari ngayon?
SPFMD: In fairness to the House, itong
nakaraang Kongreso, naipasa din namin ito sa Senado towards the end of the
session na, kaya hindi na nagkaroon ng panahon. Malaala ko, si Senator Gringo
Honasan ang nagpasa nito, although in the last few months of the last Congress,
kaya hindi po umabot.
Ngayon,
siguro, kung may panahon, hindi naman po agad-agad – na halimbawa, kailangan
bukas maipasa ito. Ito po ay pag-uusapan pa ng husto sa House, at sa aming
regular meeting ni Speaker Belmonte, kasama ang kanyang Majority Leader at
Minority Leader, sa House. Buwan-buwan kami nagmimeeting, tuwing ito po ay nasa
aming agenda. Ito ay ating imomonitor sa lalong madaling panahon.
Q: Kahit
na hindi ito isa sa mga sinertipikahan bilang urgent, o certified po ba ito?
SPFMD: Hindi po cinertify ito sa amin,
ngunit ito po ay naipasa on second reading nuong Miyerkules nuong nakaraang
Linggo, kaya we have had enough time.
Q: Kaya
lang dito sa Kamara, hindi yata priority ang FOI sapagkat ang number one
priority ay Cha-Cha.
SPFMD: Well, pinangako naman ni Speaker
Belmonte na ito ay tatalakayin sa House. Tama po yan, inuuna nila yung Cha-Cha
dahil sa tingin nila ito ay makakatulong din sa ating bansa, lalo na sa ating
paglalago ng ating mga investment.
Q: Mabuti
nagmenor ng kaunti yung Kamara de Representantes at Mayo pa raw magkakaroon ng
deliberation tungkol dito, pero dito sa Senado, napapansin namin, tahimik po
ang mga kagawad ng Senado tungkol dito sa Cha-Cha.
SPFMD: Ang usapan namin dito Joe, uunahin
namin ang FOI Bill. Sa Kamara, uunahin nila ang Cha-Cha. Pagkatapos nila ng
Cha-Cha, kung maipasa nila yung Cha-Cha, aming tatalakayin sa Senado. Yan po
ang usapan namin ni Speaker Belmonte. Yan po ang binigyan muna namin ng
prayoridad dito, ang FOI Bill, kaya nauna naming ipinasa itong FOI Bill, ngunit
dahil po sa aming pagpupulong buwan-buwan, marami po kaming nako-coordinate,
halimbawa, yung MARINA Bill. Yan po ay magiging batas na, at naipasa namin
dahilan sa closer coordination ng dalawang kapulungan. Nasa Pangulo na po yung
MARINA Bill, na makakatulong upang hindi na mailagay sa alanganin ang kabuhayan
ng higit sa walumpung-libong tripulante sa Europa.
Ganoon din
po, at tayong ipinasa yung Go Negosyo Bill, na inisponsor ni Senator Bam
Aquino, para po matulungan at maproteksiyunan ang ating micro, small and medium
enterprises o MSMEs. Yan po ay kung saan animnapu’t-anim na porsiyento ng ating
mga manggagawa ay nasa sector po ng mga micro, small and medium enterprises.
Ganun din
po, yung extradition treaty ng Pilipinas sa mga gobyerno ng United Kingdom,
Spain at India, atin pong naratify na. Ilang taon na rin po itong naka-binbin,
at matagal na pong naratify ng England ang kanilang version, at ng Spain ang
kanilang version, tayo po ay nahuli kaya atin pong pinaspasan. Ito po ay isang
batas na makakatulong para maipasulong natin ang ating justice system. Pag may
mga kriminal dito sa ating bansa na tumakbo sa United Kingdom, sa Spain, o
India, pwede po nating hilingin ang pagbalik nila dito sa ating bansa upang
harapin ang kanilang mga kasalanan.
Q: Sa
madaling salita, Mr. Senate President, sa kabila po ng mga privilege speeches,
sa kabila ng mga investigations, kahit paano yung trabaho ng Senado, nakikita
natin kung paano gumagana?
SPFMD: Tama po yan, at akin namang sinasabi
sa aking mga kasamahan, kasama sa tungkulin natin yung pag-iimbestiga in aid of
legislation, ngunit ang ating pangunahing tungkulin sa taongbayan ay maipasa
yung mga batas na kailangan ng ating mga kababayan, kaya yan po ang ating
ginagawa. Notwithstanding all these noise about investigations, at batikos na
puro imbestigasyon ang ginagawa, atin pong pinapakita sa taong bayan na yung
ating pangunahing tungkulin na maipasa yung mga batas na kakailanganin natin sa
ekonomiya, sa ating anti-corruption, sa ating justice system, sa hanapbuhay ng
ating mga manggagawa, atin pong binibigyan ng kaukulang pansin.
Q: Mr.
Senate President, nabanggit nyo nga yung accomplishment ng Senado, pero
magbabakasyon na ulit ang session, ano po ba yung mahahalagang dapat balikan na
Bills ng Senado once na magresume ang session. Kayo po yung tumutulak para sa
review ng EPIRA law.
SPFMD: Yan po ay nasa Committee on Energy,
wala pa po sa amin, Yung isa po sa ating itutulak, yung bill ukol sa Graphic
Based Warning on Cigarette Packs. Yun po, kung inyong maalaala, ito po yung
batas na isinusulong namin ni Senator Pia Cayetano na siyang maglalagay ng
picture based warning, yung baga na nasisira dahilan po sa paninigarilyo. Yan
po ang ating bigyan ng pansin pagbalik namin. Ipapasa po namin itong Graphic
Based Warning on Cigarette Packs.
Amin ding
tatalakayin yung hindi na po bubuwisan ang 13th month pay ng ating
mga manggagawa hanggang P75,000. Ngayon, hanggang P30,000 lang, ating itataas
ito. Gayun din, pagbalik namin, yung Sandiganbayan Bill ay isang batas po o
panukala na ating sinusulong para po mapabilis ang kaso sa Sandiganbayan.
Ngayon po, Milky, mga pitong taon bago matapos ang isang kaso kaya ang ating
ginagawa, ay ating binabago ang batas para mapabilis ang paglilitis ng mga kaso
sa Sandiganbayan.
Q: Yung
isang texter natin, Mr. Senate President, sabi ay masyado daw kayong aligaga sa
trabaho sa Senado, baka makaligtaan ninyo, malapit na ang 2016. Mayroon po ba
kayong balak para sa 2016?
SPFMD: Alam mo, pag usaping pulitika,
nagagalit ang taongbayan. Ngayon pa lang ay marami nang nagpoposisyon sa 2016,
kaya po ako ay nagsusumikap na maipaliwanag sa taongbayan na kami po sa Senado
ay nagtatrabaho muna. Sa ngayon po, ating sinisikap na maipasa yung mga
panukalang batas na makakatulong sa ating bansa.
Q: Pero
marami rin kayong kasama na aligaga rin sa pulitika.
SPFMD: Ok lang sa akin yun basta gawin nila
nga trabaho nila.
Q: Marami
nang nagpahayag ng interest diyan sa Senado, pero malabo ba yung kumbinasyon na
Mar-Drilon daw po?
SPFMD: Susmaryosep! Anong kumbinasyon? Saan
po gagawin? Hindi po siguro sa karera sa kabayo?
###